Tatlong Yugto

ANGELINA
(Pag-ibig)

Sa buhay may iba’t ibang kuwento
Minsan may nagmamahal sayo, pero iba naman ang iyong gusto.
Mayroon ding iba na umasa, nasaktan at nabigo
Pero sa huli, may kuwento pa ring tulad nito…

Naalala mo pa ba?
Ika-12 ng Agosto, ako’y iyong niyaya
Bukas alas-diyes ng umaga,
Sa may parke, tayo sana’y magkita.

Suot isang simpleng bestida
Bitbit ko’y backpack at naka-rubbershoes pa.
Hindi ko naman alintana,
May naghihintay pala sa aking sorpresa.

Nang mamataan iyong mga barkada
Agad akong nakipag-usap sa kanila.
Habang ika’y nasa likod ko at naghahanda,
Hawak tatlong rosas, kasabay ay tugtog ng gitara.

Dahan-dahang lumapit sa akin,
Iniabot mga bulaklak sabay handog ng isang awitin.
Sabay tinanong mo sa akin:
Pwede ka bang maging akin?

Naramdaman ko’y halong pagkabigla at pagkalito,
Sa dami nang nakatingin na tao,
Samantalang ika’y nasasabik sa tugon ko,
Ngunit sagot ko’y “pasensya, hindi kita gusto.”

Lumakad palayo
Iniwan kang nakatayo
Umuwi akong lulugo-lugo
Tinatanong ang sarili kung tama ba ang naging desisyon ko.

Isang linggo ang lumipas
‘Ni paramdam hindi ka nagpamalas.
Ngunit bakit ganito akong nadarama
Puso ko’y tila nalumbay nang hindi ka nakikita.

Hanggang dumating panibagong umaga,
At sa paglabas ng bahay ika’y nakita,
Hawak mo’y tatlong rosas na pula
Lumapit sa akin sabay sabing, “hindi ako susuko hangga’t mapa-oo kita!

Mula noo’y patuloy na sinuyo,
Araw-araw pinasaya mo.
Pinaramdam ang dalisay mong motibo,
Turing mo sa aki’y iyong mundo.

Namasyal kung saan-saan
Nag-usap ng masinsinan
Tumawa, kumain, nag-asaran
Doon kita nakilala nang lubusan.

At isang beses habang pinanunuod natin ang mga tala,
Tumingin ako sayo nang may paghanga
Sambit ko’y “hoy! Mahal na kita!
Tumalon ka sa tuwa, sabay sabing, “pag-ibig ko’y ikaw ang dulo’t simula.”

Mula noo’y patuloy mo akong pinaligaya
Madalas mong hawakan kamay ko sa kalsada.
Kinakantahan mo rin ako sa tuwina,
Ligtas ka sa piling ko,” ang sabi mo pa.

At sa tuwing lumalabas, pinapakain mo ako ng marami
‘Pag mahangin, buhok ko pa’y iyong hinahawi.
Bilin mo’y “mag-iingat ka sana palagi
At sa noo ko’y pabaon mong halik nananatili.

“Salamat sa Diyos ika’y binigay
Lumigaya ang puso kong dati’y malumbay
Nilagyan mo ng liwanag buhay kong walang kulay,
Kaya’t asahan mong mamahalin kita ng tunay,”
Iyan ang pangako mong panghabang-buhay.

Sa reyalidad, walang pag-ibig na perpekto
Sasaya at minsa’y masasaktan iyong puso
Ngunit kung pag-ibig dakila at totoo
Kailan ma’y walang lugar ang salitang pagsuko.

Ang pag-ibig sadyang makulay at mahiwaga
Hinihintay at pinagpupursigihan kung iyo nang nakuha.
Iniibig nya ako at iniibig ko sya,
Ngalan ko’y Angelina at ito ang kuwento naming dalawa.
###

——————————————————————-

PAOLO
(Pananampalataya)

Nagising akong naghahabol ng hininga.
Tagaktak ang pawis at kakaba-kaba.
‘Pag tingin sa orasa’y alas-dos y medya
Masamang panaginip, doo’y nakita kita.

At doon ko naalala away natin kagabi
Nakatulog akong kahit “mahal kita” ‘di ko nasabi.
Kaya’t mabilis kong kinuha cell phone kong katabi,
At nakita mensahe at tawag mong napakadami.

Isa-isang binasa mensahe mong humihingi ng tawad,
At paulit-ulit mong sinasabing “ang mahalin ka, ang tangi ko lang hangad.
At habang binabasa iba mo pang mensaheng padala,
Nagulat ako ng may tumawag bigla.

Hanggang…

Nagmamadaling kinuha bag at kumaripas ng takbo
Pumara ng taxi doon sa may kanto.
Manong, Mary Johnston Hospital sa may Tondo.”
Napatungo at nasambit, “Diyos ko, iligtas Mo ang taong mahal ko.”

Pagdating sa ospital, ika’y natagpuan,
Walang malay at katawa’y sugatan
Pisngi mo’y hinalikan at kamay mo’y agad kong hinawakan
At bulong ko sayo’y, “pakiusap, ‘wag mo akong iiwan.”

Labag man sa loob kong ika’y bitiwan,
Ngunit gamutin ka ng doktor ay kinakailangan.
At habang naghihintay sa malungkot na pagamutan,
Paulit-ulit kong panalangin iyong kaligtasan.

“O, Panginoon, Sayo ako sumasamo,
Gabayan mo ang daang tinatahak ng mahal ko.
Ipakita sa kanya ang liwanag at pag-ibig ng Iyong puso,
Upang makabalik syang ligtas at patuloy na nananalig Sayo.”

“Alam kong Ikaw ang daan, katotohanan at buhay,
At sa mga oras na ito’y Sayo ko sya inaalay,
Malagpasan nya ang pagsubok na ito sa tulong ng Iyong gabay,
Hilumin ang sakit at sugat na kanya ngayong tinataglay.”

At habang ako’y nasa kalagitnaan ng panalangin,
Lumabas ang doktor at lumapit sa akin
Tapos na ang operasyong sa kanya’y isinailalim,
Ngunit ‘di ko batid kung kailan sya gigising.”

Mabigat ang pusong ika’y pinutahanan
Humingi ng tawad sa aking mga pagkukulang.
Diyos ko, tulungan mo po akong maunawaan,
Bakit kailangang sya pa ang masaktan at mahirapan.”

Mahirap man tanggapin iyong sinapit
Ngunit ‘di ako titigil at sa Diyos kakapit.
Patuloy kitang inalagaan upang maibsan ang sakit
Maniniwalang isang araw yakap at halik mo’y muling makakamit.

Hindi kayang makita ng iyong pamilya ang paghihirap mo,
Kaya’t pinagdesisyunan nilang tanggalin na ang makinang bumubuhay sayo.
At sa pagkakataong iyon, sa harap nila, nanindigan ako —
Pagsubok lamang po ito, kung kayo bumibitaw na, ako ‘di ko po sya isusuko.”

Lumipas nga ang mga araw at buwan
Pinatawad ko na ang nakagawa sayo ng kasalanan.
Dahil alam kong kung ika’y gising ay ako’y pagpapaliwanagan,
Ang turo ng panginoo’y magpatawad upang makamtan kapayaan ng puso at isipan.

Ika-15 ng Oktubre, eksaktong dalawang araw at isang buwan
Habang ako’y nakatalikod at nag-aayos ng iyong kagamitan,
Bigla na lamang may humaplos sa aking likuran,
‘Pag harap ko’y maganda mong ngiti ang natunghayan.

O Diyos ko, maraming salamat po!
Himala ngang maituturing ito!
At kailanma’y ‘di ako titigil magpuri Sa’yo,
Salamat ibinalik mo ang taong mahal ko!

Sa aking kasiyahan, agad kitang hinagkan
Paulit-ulit na nagpasalamat sa Diyos na makapangyarihan
Sa tainga ko, labi mo’y nilapit at ako’y binulungan,
Si Lord nakulitan sayo, ngunit ang pagbabalik ko’y pag-ibig at pananalig mo ang dahilan.

Pag-ibig ng Panginoo’y dalisay at totoo,
Patuloy na manalig at sa buhay huwag susuko.
Maging matatag at maniwalang may milagro.
Ako si Paolo at ito ang aking kuwento.
###

————————————————————————–

PAOLINA
(Pag-asa)

Habang hawak nya iyong kamay
Tumingala kayo sa langit, nagpasalamat at nangarap ng sabay
Salamat Diyos, sya’y binigyan ng panibagong buhay,
Kaya’t biyayang ito’y amin ngayong magiging gabay.

Dahan-dahang kinapkap kayang pantalon,
Lumuhod sya sayo at hinarap isang kahon.
Tanong nya’y “pwede ka bang makasama sa matagal na panahon?
Naluluhang sagot mo’y “Oo, ang makasama ka habang buha’y pangarap ko pa noon.”

Isang taon matapos ang iyong aksidente
Buhay mo ngayo’y sa kanya na idedepende
Panibagong simula sa ika-15 ng Oktubre
Pag-asang hatid na sabay nyong ididiskubre.

At habang ikaw ngayo’y naglalakad na naka-trahe de boda,
Walang pagsidlan papuri mo sa Kanya.
Nakangiting tinahak sa harapan iyong tadhana
Tinanggap mong may galak ang isang panibagong simula.

Abot-langit kanyang ngiti.
Hinawakan nya iyong kamay at sayo’y sinabi,
Sa hirap at ginhawa, mahal ko, pag-ibig nati’y magwawagi.
Itinaas iyong belo at hinalikan ka sa labi.

Ang buhay ay sadyang puno ng misteryo
Kalakip nito’y mga pagsubok, pagtanggap at muling pagkatuto
Ngunit kung tayo lamang ay patuloy na magiging positibo
Umasang kinabukasa’y may magandang araw na panibago.

At sa pangalawang pagkakataon sa ospital ika’y dinala,
Ngunit hindi na takot at pangamba inyong nadarama.
Hawak kamay nyong sinalubong isang bagong pag-asa
Pag-iyak ko’y sya nyong naging galak at tuwa.

Ako po pala si Paolina.
Tatay ko’y si Paolo; nanay ko’y si Angelina.
Masaya at mapalad aming pamilya,
Dahil ang kuwento nami’y nabuo sa pag-ibig, pananampalataya, at pag-asa.
###

 

***Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 8 para sa kategoryang Pagsulat ng Tula:
Pananampalataya, Pag-asa, Pag-ibig.

Saranggola 336x280

Mga Sponsor:

771fb-2dmciinquirerdevicephilippineslion3fb93-2dp

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s