Isang Araw, Tatlong Karatula

UMAGA

Patingin-tingin
sa dumaraan
Tingin sa ibaba
mga sapatos na kumikinang
Tingin sa gitna
kotseng magagara
Tingin sa taas
walang nakikitang pag-asa

Umaga na naman
saan hahagilap ng pang-laman
Sa sikmurang gutom
at uhaw, kailan hihilom
Ang sakit ng anak
na nakaratay
Sa tabi ng daan
umaasang maabunan

Nang kaunting tulong
mula sa nagdaraan
Paroo’t parito
mapansin sana ninyo
Duming hindi lamang
nakamantsa sa suot
Sa lipunan akala
sa ami’y salot

Ale! mama!
Wala ba kayong pakiramdam?
Mata’y ‘wag ipikit
puso sa ami’y ilapit
Palad abutin
isa lamang dalangin —
Barya lang po, pangkain,”
karatulang pinasulat pa namin.

Patingin-tingin
sa dumaraan
Umaga na naman
saan kukuha ng pang-laman
Kaunting tulong sana
sa nagdaraan
Ale! Mama!
Wala ba kayong pakiramdam?

###

GABI

Madilim ang paligid
masukal ang daan
Hahagilap ng pagkain
sa nakakalat na basurahan
Kapatid ko’y may sakit
gamot kailangan
Si ina’y lumuluha
pighati’y hanggang kailan

May nakahimlay
sa gilid ng kalsada
Sakto walang kaagaw
bibilisan ko ang pagkuha
Mga basurang tinapon
dyaryo, bote, garapa
Umaasang kahit papano’y
may pagkaing tira-tira

Pagtingin sa daan
natakot sa nakita
Dalawang kalalakihan
bigla akong inambahan
Suntok dito, tadyak doon
kalakal ko’y tuluyan nang natapon
Sigaw nila’y “krimen mo’y iyo nang aminin,
     ‘wag mo kaming galitin!

Kulay pula na ang kalsada
sabay nang pagpikit ng aking mata
Hindi akalain maririnig
pagputok ng tatlong bala
Iniwan sa kamay ko’y isang baril,
isang pakete ng droga sa bulsa
Kasabay ang pagpatong ng isang karatula
Pusher ako! ‘Wag tularan!

Madilim ang paligid
masukal ang daan
May nakahimlay
sa gilid ng kalsada
Pagtingin sa daan
natakot sa nakita
Kulay pula na ang kalsada
Sabay nang pagpikit ng aking mata.

###

HAPON

Tirik ang araw
mainit ang kalsada
Mabigat ang mga paa
palakad sa eskinita
May mga naka-payong
iba’y nakasakay na
Mga ulo’y nakayuko
nagdarasal, nagdurusa.

May kahong puti
dahan-dahang pinaparada
Kasabay ng mga pangarap
na tuluyan nang nabura
May isang babae
yakap isang larawan
Nakaitim, humahagulgol
naupos na pag-asa

“Hustisya!” sigaw
ng kanilang karatula
Kasama ang mga grupong
taliwas sa droga
Sa amin ngayon
atensyon ng media
Bakit hindi kami napansin
noong may buhay pa.

Kasabay nang paghagis ng rosas,
paglipad ng lobo at pagtabon ng lupa
Kinabukasa’y hindi
ko na pala makikita
Unti-unti binalot
na nang kadiliman
Tulad ng puso ni inay
nang inihatid ako sa aking huling hantungan.

Tirik ang araw
mainit ang kalsada
May kahong puti
dahan-dahang pinaparada
Hustisya!” sigaw
ng kanilang karatula
Kasabay nang paghagis ng rosas,
paglipad ng lobo at pagtabon ng lupa.

###

***Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa kategoryang Pagsulat ng Tula:
“Karatula.”

Mga Sponsor:

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s