Sa Pula, Sa Itim, Sa Puti

Madilim. Madugo. Masalimuot. Nahaharap ngayon ang ating bansa sa isang malawakang digmaan. Digmaang marami na ang nakitil. Digmaang marami na ang nagbuwis at magbubuwis pa ng buhay. Digmaang dugo ang patuloy na dadanak. Digmaang hindi sundalo at rebelde ang magkalaban. Digmaang kinabibilangan ng kapulisan, kawatan, mayayaman, mahihirap, at ang nakakalungkot ay ng kabataan. Ito ang makabago ngunit mas marahas na digmaan — ang digmaan kontra droga.

Droga. Sinasabing malaki ang ginagampanan ng droga sa ating buhay. Ang droga ay isang gamot. Sa siyensya, nakakatulong ito upang makapagpagaling ng karamdaman. Nakakaapekto rin ito sa ating pag-iisip at kalusugan. Ngunit sinasabing sa maling paggamit nito, maari itong makapagdulot ng pagkasira ng buhay. Ito ang pangunahing suliraning nakapaloob sa nasabing gamot — ang pagkalulong o adiksyon.

Sa pagsisimula ng termino ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2016, walang takot nitong ipinahayag ang misyon nitong mapuksa ang lahat ng may kaugnayan sa droga — malalaking drug lords man ito, protektor o maging maliliit na kriminal.

Tinawag na “Oplan TokHang” at “Oplan Double Barrel” ang kampanya ng Pangulong Duterte kaagapay ang Philipppine National Police (PNP) laban sa bawal na gamot.

Ang Oplan Tokhang ay yaong pagba-bahay-bahay ng mga kapulisan at pagkumbinsi ng mga ito na sumuko at magbagong buhay ang mga kilalang tulak ng droga. Nagmula ang salitang ito sa pinaghalong salitang Bisaya na “toktok” (“katok”) at “hangyo” (“pakiusap”).

Samantala, ayon naman kay PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, ang “Oplan Double Barrel” ay isang proyekto kung saan “isang kalabit lang sa barrel, dalawang trigger ang puputok. Merong barrel na kakalabit sa taas, sa high value target at merong barrel na tatama doon sa baba, doon sa mga street-level personalities.”

Hindi maikakaila na naging epektibo ang kampanyang ito sa mga naunang araw dahil marami ang sumukong durugista at adik. Ngunit kaiba na ang naging resulta ng kampanyang ito sa nagdaang panahon. Dito na lumabas ang kahindik-hindik na reyalidad ng nasabing kampanya.

Sa pula. 

Estudyante. Labimpitong taong gulang. Nangarap maging pulis. Napatay ng pulis. Ito ang kinahinatnan ni Kian Loyd delos Santos, isang mabuting anak at kapatid sa kanyang pamilya.

Labing-siyam na taong gulang. Nangangasiwa ng tindahan. Napagbintangang nang-holdap ng taxi. Pinaghinalaang nanlaban. Binaril ng pulis. Napatay. Ito naman ang sinapit ni Carl Angelo Arnaiz, isang matalino, palatawa, at butihing anak sa kanyang mga magulang at kaibigan.

Dalawa lamang sila sa madugong kinahinatnan nang masidhing kampanya ng administrasyon kontra droga. Mga kabataang pinaghinalaang sangkot sa ipinagbabawal na gamot at ngayo’y mga boses na humihingi ng tulong at sumisigaw ng hustisya sa walang awa nilang pagkakapaslang.

Kung mayroon mang mukha sa likod ng patuloy na pakikibaka sa droga, masasabing si Kian, Carl Angelo at ang kalunus-lunos nilang pagkamatay ang magsisilbing anino nito. Aninong hanggang ngayon ay isa pa ring palaisipan kung mabibigyan ba ng katahimikan ang mga buhay at pangarap na nasayang dahil lamang sa maigting na utos na mapatay ang mga may kaugnayan sa droga, kahit wala namang matibay na ebidensya na magpapatunay sa koneksyon ng mga biktima ukol dito.

Sa pagkakapaslang ng mga walang kamalay-malay na kabataan, masusuri dito na walang pinipiling target ang ating kapulisan. Bata man o matanda walang ligtas sa proyektong ito. Ngunit sa pangyayari ring ito, makikita ang hindi organisado at pabigla-biglang operasyon ng kapulisan. Operasyong hindi sana hahantong sa madugong pagkawasak ng mga pangarap, kung sinigurado muna na tama ang nakuhang ebidensya. Operasyong hindi makukwestyon ang kredibilidad ng kapulisan kung pinairal ang paghi-hinay-hinay at pagsigurado sa mga tip na nakuha ng mga ito sa kanilang mga impormante.

Tumakbo. Nanlaban. Nagpaputok ng baril. Ito ang madalas na dahilan ng kapulisan kapag napapatay nila ang pinaghihinalaang durugista. Si Kian, napagbintangang drug runner ng pamilya. Kinaladkad, pinosasan, pinatakbo at saka binaril. Iniwang patay at may hawak na baril sa kanang kamay at dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu. Si Carl, ‘di umano’y nanutok ng baril, nang-holdap ng isang taxi driver at dali-daling tumakas. Nabaril siya ng pulis matapos umanong manlaban at paputukan ng baril ang mga ito habang siya ay tumatakas. Nakitaan siya na may bibit na  dalawang pakete ng marijuana at tatlong pakete ng shabu sa kanyang bagahe.

Mahirap limiin na sa ganitong pamamaraan na tumatakbo ang kalakaran upang mapuksa ang salot ng lipunan. Sa panawagan ng ating Pangulo na bawasan ang mga nagpapakalat ng krimen sa bansa, nakakatakot na marami pang madadagdag na inosente, walang malay at kaawaa-awang sibilyan na maaring maging isang alay upang mapunan lamang ang hamon ng Pangulo na masawata ang mga naghahasik ng salot sa lipunan.

Hustisya. Sa madugong pakikibaka ng pamahalaan ukol sa bawal na gamot, nananaig ngayon ang tawag at boses ng mga human rights advocate upang mapanagot ang mga pulis at iba pang sangkot sa hindi makataong pagpaslang sa mga nahuhuli at pinaghihinalaan nitong may kaugnayan sa droga. Nakakalungkot isipin na hanggang ngayon, mailap ang hustisya sa bansa. Patuloy na namamayani ang mga may sala kaysa sa mga inosenteng mamamayan.

Ang hustisya sa bansa ay napupunta lamang sa mga binging tainga ng mga dapat sana ay pumo-protekta sa karapatan ng bawat Pilipino. Hanggang ngayon, mahina ang kapangyarihan ng boses ng bayan upang mabigyan ng hustisya ang mga walang muwang na nadawit sa digmaang patuloy na nananaig sa bansa. Ang boses ng Pilipino na sana’y gigising sa diwa ng makataong paghatol ay nagiging isang oyayi na nagpapatulog lamang sa mga awtoridad na dapat nagtatanggol sa karapatan ng bayan. Ganito ang mukha ng hustisya lalo na ngayon sa usapin ng droga — mailap, matagal, nakakapanghina ng kalooban.

Sa Itim.

Kung may isang malagim na resulta ang pakikibaka kontra droga, hindi maikakailang ito ay kamatayan — makatao man o hindi.

Magmula ng kampanya, umabot na nga sa libu-libo ang napapaslang na drug personalities sa operasyon ng pulisya. Numerong kinabibilangan ng mga lehitimong operasyon at mga extrajudicial killings.

Ang masakit na katotohanan ay yaong sa likod ng magandang pagnanasa ng pamahalaan na mapabagsak ang utak ng droga sa bansa, ang mga nagdurusa at nagbubuwis ng buhay — kung hindi ang mga maliliit na kriminal — ay yaong mga inosenteng maralita. Mga indibidwal na may pangarap, nagplanong bumili lamang ng pagkain isang gabi, at kinabukasan malamig na bangkay nang matatagpuan.

Mas nakakatuwang gumising isang araw na mas malaking isda na ang nabingwit ng pamahalaan. Mas maganda siguro, kung isang araw, ibaling ng pamahalaan ang kanilang atensyon sa pinaka-puno’t dulo ng kadilimang ito — ang mga big-time drug lords.

Sa kaliwa’t kanang patayan, malalim na sugat ang naiiwan sa puso at pagkatao ng mga naulila. Sugat na hindi kayang burahin ng isang paghingi lamang ng tawad dahil sa maling akusasyon, lalo na sa pamilya at naiwan ng napagkamalang suspek; lalo na kung ang mga nagdusa ay walang namang kamuwang-muwang.

Kamatayan. Ito ba ang sagot sa madilim na yugto ng pakikibakang ito, o isa lamang itong pagtatagong anyo sa pagkabigo ng ating pamahalaan na isalang at parusahan ang tunay na kriminal sa bansa.

Madilim. Kahindik-hindik. Sa kasalukuyang estado ng ating bansa ukol sa isyung ito, ‘di maiiwasang isipin na walang oras, panahon o lugar ang ligtas para sa mamamayan. Sa pag-aakalang ang mga taong pu-protekta sayo ay yaong pang magiging mitsa ng buhay mo. Madilim ang yugtong ito.

Nakakatakot na habang naglalakad ka, isang gabing payapa, ay mapagkamalan ka ng isang adik at hindi ka na abutin kinaumagahan. Hindi ito ang mukha ng isang maganda at ligtas na bansa. Hindi ito ang Pilipinas na payapa.

Sa puti.

Tunay na walang maidudulot na maganda ang droga. At ang droga, maaaring matagpuan kung saan-saan. Ang nakakabahala ay ang patuloy na paghahari ng salot na ito.

Paghahari dahil hanggang ngayon ang mga utak ng kasamaang ito ay namumuhay ng marangya. Namamasyal at pagala-gala lamang sa paligid, at ang iba’y nagsasaya sa ibang bansa. Naghihintay ng mga bagong biktima na ipapakain sa mga kasamaang sila naman ang naghasik. Ganito ang pagtatagumpay ng mga big-time drug lords sa bansa. At ang masaklap, patuloy silang maghahari nasa rehas man sila o wala.

Salot ang droga. Ang droga hindi panandaliang kaligayahan. Ito ay pagdurusang panghabang-buhay. Sa minsang paggamit nito, tiyak na babalik-balikan at hahanap-hanapin mo ito. Isa itong adiksyon na hindi magagamot ng isang araw lamang. Na kahit mismong taong nakapagpa-rehab na, may mantsa nang naidulot ito. May pagkakataong babalikan mo ang dati mong gawi.

Traydor ang droga. Walang mabuting makukuha dito. Isa itong madilim na aninong dadalaw sayo sa panahong akala mo nakalimutan mo na ito. Walang itong pipiliing panahon o pagkakataon kapag umatake. Tatangkain ka nitong ibalik sa madilim mong kahapon na pilit mo pa ring kinakalimutan. Ang droga ay salot. Isang salot na dapat lupigin.

Mas madaling isipin na hindi hahantong sa mahirap na sitwasyong ito ang bansa kung mas pinagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pinakaugat ng problema ng bayan — ang kahirapan. Sa ngayon ang laban kontra droga ay laban din ng kahirapan. Masasabing kahirapan ang dahilan kung kaya’t mas lumalakas ang kalakaran ng droga sa bansa.

Ginagamit ng mayayaman ang mahihirap upang makapagpuslit sila ng iligal na gamot. Ginagamit nila ang mga abang mamamayan upang lumawig pa ang kanilang negosyo. At sa huli, kapag nagkagipitan, ang mga abang mamamayan din ang ipinapain nila sa mga kapulisan. Ganito kalakas ang puwersa ng mayayaman sa mahihirap. Kaya nilang paikutin sa kanilang mga kamay ang mga nagdarahop. Kaya nilang baligtarin ang hustisya. Kaya nilang gawing tama ang mali upang pumanig sa kanila ang mas nakakarami. Sa droga kaya nilang paikutin ang mahihirap. Sa droga, kaya nilang linlangin ang mahihirap at sabihing makakatulong ito upang bumuti ang kanilang pamumuhay. Ito ang nakakalungkot na katotohanan kung kaya’t sa huli, tanging mahihirap lamang ang nagdurusa sa giyera kontra droga.

Sa pula, sa itim, sa puti. Mahahalintulad ang giyera kontra droga ng gobyerno sa sugal na sabong. Dalawang panig ang magkalaban. Isa ang masusugatan, ang isa’y mamamatay. Isang kasamaan laban sa isang mas maalab na mithiing masupil ang kadilimang dulot ng droga.

Kahalintulad ng sugal, ang misyong mapuksa ang kasamaan ay isang laro ng pagkakataon. Hindi nito nasisiguro na magwawagi ang kabutihan lalo pa’t sa ngayon, naghahari pa rin ang mga higanteng drug lords na masayang pinagtatawanan lamang ang nangyayari sa mga maliliit na kriminal. Tulad ng isang totoong digmaan, wala sa dalawang panig ang mananalo. Ni isa, hindi makakalasap ng tagumpay lalo na kung sa giyerang ito, may nasawi at nasugatan.

Ang digmaan, kahit pagbali-baligtarin, magiging isa ng bangungot.  Bangungot na dadalhin ng bawat isa sa nakaranas nito. Walang gamot o likidong makakagaling sa sugat na maiiwan ng mahapdi at masalimuot na pangyayaring ito. Ang giyera kontra droga ay isang mahabang proseso ng paghihintay, pagtitiis at pagtanggap sa katotohanang sa dulo ng laban na ito, mayroong kailangang magsakripisyo — mayroong mga inosenteg madadamay at mga taong nagdulot ng kasamaan sa bayan na dapat magbayad. Nagsisimula pa lamang ang laban na ito. At ang katotohana’y wala pang eksaktong araw o panahon kung kailan magwawakas ito. Walang pula, itim o puti na mamamayani sa bansa. Walang kulay na magdidikta ng resulta ng giyera kontra droga. Dahil sa huli, ang tunay na mithiin ng digmaan maliban sa isang ligtas, makatao at maunlad na pamayanan ay walang iba kundi ang mailap na kapayapaan. ###

 

***Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa kategoryang Sanaysay: Sachet.

Mga Sponsor:

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s