Alas otso disisyete ng umaga. Nakatayo kang nakikinig sa ispiker na nasa harapan. Nang biglang mag-vibrate ang cellphone sa iyong bulsa.
Unang vibrate. Hindi mo ito agad pinansin sa pag-aakalang ito’y isang text lamang. Hindi ka rin kasi mahilig maglagay ng message ringtone sa iyong cellphone at ang katotohana’y ilang linggo ka na rin kasing hindi nakakatanggap ng tawag sa ganoong klase ng umaga. Nang biglang pumangalawa ang vibrate. Alam mong tawag na iyon at napaisip ka na lang kung sino ang tatawag sayo ng ganoong oras.
Agad mong kinuha ang cellphone sa iyong bulsa. At bumungad sayo ang pangalan niya — ang naghuhuling pangalang ninanais mong makita. Napaisip ka pa kung sino ang pangalang nabasa mo. Nagdalawang tingin. Nakalimutan mo kasing binago mo na nga pala ang pangalan nya sa cellphone mo. Nang sandaling iyon, hindi pananabik ang naramdaman mo kundi kaba. Kaba dahil iniisip mo ang rason kung bakit sya tatawag samantalang ilang linggo na rin kayong hindi nag-uusap.
Hinintay mo ang ikalimang tunog bago sinagot. Kinabahan ka. Naglaro na sa isip mo ang pinakamasamang senaryong maari mong maisip. Ang pinakamalala ay yaong naaksidente sya. Inasahan mong hindi sya ang makakausap mo sa kabilang linya. Hinanda mo na ang iyong sarili sa pinaka-nakakatakot na pwede mong marinig — sa posibilidad na kailangan ka nya, at sa opsyon kung tutulungan mo ba sya.
Kaya hindi ka muna nagsalita. Hinintay mong magsalita ang may hawak ng kabilang linya. Malabo ang unang salita. Hindi mo nabosesan. Kaya ang nasabi mo na lang ay “Ha?”
Pinaulit mo ito. At sa pangalawang pagkakataon, doon mo napagtanto na ang kausap mo ay walang iba kundi sya. Nawala ang kaba mo. “Hello, good morning,” ang sabi nya sayo. Rinig na rinig mo ang saya sa kanyang boses. Sayang parang walang nagbago sa inyo. Sayang parang mali.
Naisip mo nun, nakalimot ba sya? Alam ba nya kung ano na kayo ngayon? Alam ba nya kung anong ginawa nya sayo? Natawa ka dahil muntik-muntikan mo na ring syang matanong kung lasing ba sya. Sino ba namang tao ang matutuwa kapag narinig mo yung taong minahal mo nang sobra pero sa huli ay piniling iwanan ka, na tatawagan ka isang di inaasahang umaga na parang nalimutang sinaktan ka pala nya, masayang-masaya ang boses na parang matalik lang kayong magkaibigan, na parang maayos lang ang lahat.
“Kamusta ka?” ang tanong nya. Sa nagdaang panahon, yan na siguro ang pinakamahirap na tanong na pwedeng ibato sayo ng kahit sino. Hindi mo kasi kayang sagutin. At mas lalong di mo kayang marinig ang tanong na yan sa taong alam mong naging dahilan kung bakit hirap na hirap kang sagutin ang simpleng tanong na yan. Kamusta ka na nga ba? Kamusta ka na matapos nyang wasakin ang nananahimik mong puso? Kamusta ka matapos nyang itapon lahat ng alaala kasama mo? Kamusta ka? Napulot mo na ba ang nagkalat na piraso ng pagkatao mo matapos ang masalimuot nyong pagtatapos? Kamusta ka nga ba? Hindi mo talaga alam.
“Bakit?” ang tugon mo. “Masama ka na bang kamustahin?” sabat nya. Ang daming bagay na tumatakbo sa isip mo noong sinabi nya yun. Masama ka nga bang kamustahin? Gusto mo syang murahin. Pero pinakalma mo ang iyong sarili. Kalma, puso. Kalma. At nasabi mo na lang ay “Di ko masasagot yan.” Pinipigilan mong magalit. Pinipigilan mong ibuhos lahat ng sakit. Alam ba nya kung bakit? Dahil mas pipiliin mong magpakabuti sa taong nakalimot maging mabuti. Mas pipiliin mong sarilinin ang sakit dahil sa huli, ikaw lang naman talaga sa inyong dalawa ang nasaktan. Sa isang paghihiwalay, hindi kailanman magpapantay ang sakit. Kailanman, walang dalawang puso ang nasusugatan ng sabay. Kailanman hindi mo pwedeng ibahagi ang sakit. Dahil ikaw yan, ikaw lang din ang gagamot nyan. Ganyan mo pinakitang matapang ka kahit na iniwan ka nyang mag-isa at nagtataka.
“Hindi mo kasi ako nirereplyan pagchina-chat kita,” dagdag nya. Napahinto ka. Kailan mo pa ba naging obligasyon na sagutin lahat ng mensahe nya sayo? Ngayon pa ba kung kelan wala nang kayo? Ngayon pa ba na sa loob ng ilang linggo, halos araw-araw nyang ipinagdidiwang na wala na kayo? Yan ang ilan sa mga gusto mong ibato sa kanya, pero pinili mong ‘wag na, bagkus sinagot mo na lang ito ng “Ah.”
“Sabi mo paminsan-minsan magte-text o magcha-chat pa rin tayo, pero bakit ganun, parang mas lalo kang lumalayo sa akin?” sabi pa nya. Gusto mo ulit syang murahin. Buti na lang di nya nakikita ang pag-ismid ng iyong labi habang sinasabi nya iyon.
Na habang naririnig mo sa kanya ang salitang paglayo, gusto mo syang duruin sa mukha at sabihing ang kapal kapal ng mukha nya. Na sya pa talaga ang may ganang magsabi nyan? Nasaan ba sya nung lugmok na lugmok ka? Na bigla-bigla ka na lang napapaiyak sa dyip papunta sa opisina o maging pauwi sa iyong tahanan. Nasaan ba sya noong panahong basang-basa ka ng ulan pero wala ka nang matawag na sasaklolo sayo?. Nasaan ba sya noong alas-dose ng gabi ka na nakauwi pero nagmatapang ka kahit takot na takot ka sa dilim dahil alam mong wala nang sasalba sayo. Nasaan sya? Ayun, araw-araw masaya. Ayun, piniling panindigan ang kasinungalingan nya.
“Pag di ka na busy at di na rin ako busy, text o chat tayo,” dagdag pa nya. Sino ba talaga sa inyong dalawa ang abala? Bumalik kayo ilang buwan o linggo ang nakaraan. Bumalik kayo doon sa panahon na humihingi ka ng konting oras sa kanya. Na halos nanlilimos ka na ng atensyon kahit konti sa kanya. Bumalik kayo doon. Naisip mo, bakit ngayon pa sya magkakaroon ng oras samantalang ang tagal mong inasam na mapansin ka nya noon. Bakit ngayon nya sasabihin ang mga katagang yaon, samantalang wala nang kayo. Na sa tinagal-tagal ng panahon, bakit magtatayo na naman sya ng isang simula samantalang kakatapos lang ng isang nasayang na kabanata.
Ang nakakatawa pa, gusto mo sanang itanong sa kanya kung bakit bigla syang nagparamdam. Kung anong posibleng dahilan bakit biglaan ka nyang tinawagan. Bakit, binasted na ba sya ng kanyang nililigawan? Busy ba ang bago nyang pinag-iinteresan kaya naghahanap sya ng ibang paglilipasan ng oras. Gusto mo ulit syang murahin. Hindi ka pampalipas oras. At hindi ka na kailanman magpapalinlang sa taong katulad nya. Walang kahit sino ang nagnanais ng tira-tirang pagmamahal. At walang pagmamahal ang magtatagal sa pulos kasinungalingan. At mas lalong walang pagmamahal na magtatagumpay kung nabuo ito sa pagsira sa isang matatag sanang pag-iibigan kung wala lang sanang umeksenang iba na nagpapanggap na may pusong dalisay pero sa huli pusong nag-aabang lang pala ng pagkasira ng isang relasyon at katapusan.
Alas otso disisyete ng umaga. Nakatayo kang nakikinig sa ispiker na nasa harapan. Nang biglang mag-vibrate ang cellphone sa iyong bulsa. Pero sa huli, mas pinili mong ikaw ang maunang magbaba ng linya. Na ikaw ang tumapos sa usapan ninyong dalawa. Tulad ng pagtapos nya, isang linggong umuulan, sa kuwentong matagal nyong isinulat dalawa.
At sa apat na minuto at labimpitong segundo pinili mong tapusin ang inyong usapan. Winakasan ito sa salitang “sige na” at “paalam,” sabay ibinaba ang telepono at pinaalala sa sariling tama na ang katangahan. ###