Missed Call

Tumatawag ka na naman.

Ilang tawag pa ba ang kailangan mo, para ipaalala sa akin ang sakit na dinulot mo. Lima, sampu? Magbilang tayo.

Bilangin natin ang mga pagkakataong sinayang mo. Na halos lahat ng bagay at pangyayaring nakikita ko sa tuwina’y nakokonekta ko sayo. Na sa tuwing titingin ako sa ulap, naiisip ko ang mga araw na kasama kita, magkahawak-kamay na naglalakad sa kalsada, nagkukwentuhan at nagtatawanan sa mga bagay bagay na tayo lang ang nakakaunawa.

Na sa bawat pagbaba ko ng dyip, hinahanap ko ang mga kamay mo na aabot sa akin, para sa mga baitang na delikado at sa mga hakbang kong di ko lagi sigurado. Na habang nasa byahe ako at napapapikit sa umaga, hindi ko maiwasang ika’y maalala, lalo na tuwing pinapaalalahanan mo kong kumain nang tama.

Na sa tuwing makikinig ako ng musika, hindi ko maiwasang di mapaluha, lalo na’t bawat letra at liriko ng kanta, sa puso ko tumatama. Na sa bawat hawak ko sa aking telepono, mas mainam pang ‘wag ko nang alamin kung may nakaalala, dahil ikaw lang naman dati ang palagi sa aki’y nangangamusta. At bakit pati ang buwan, na dati’y sa akin humahalina, nalulungkot na akong makita, dahil sa tuwinang pinagmamasdan ko sya, wala na akong kasabay mamangha habang nakatingala.

Mahirap talagang tumalima sa mga gawaing nakasanayan na. Sa mga bagay na lagi nating ginagawa at sa mahabang taong ating pinagsamahan. Akala ko dati madali lang makalimot. Titingin lang sa malayo at hahanap ng ibang bagay na pwedeng magwaksi sa mga sakit at lungkot.

Isang araw, magiging maayos din ako. Balang araw titingin ako sa ulap nang nakangiti at aasa na lang sa darating na biyaya. Bababa ako ng dyip ng mag-isa pero maligaya, hindi dahil malinaw na ang aking mata kundi dahil masasanay na kong protektahan ang sarili at di na kakailanganin ang tulong ng iba.

Mapapapikit ako sa byahe pero ang paulit-ulit na lang na maaalala ay ang susunod kong gala, kung anong bagong libro mababasa, anong masarap kainin mamaya at kung sinong tao ang makikilala. Balang araw lahat ng musika,hindi na tungkol sayo at sa sakit na iniwan mo. Ang mga tunog ay syang magiging simula ko, ipagdidiwang ito nang malaya at masaya — paghuhudyat ng panibago kong kuwento.

At sa paghawak ko ng telepono, babati sa aki’y iba ng numero, sariling ngiti ang magiging bungad ko kasabay ng mga mensahe ng kaibigang totoo. At sa huli, nakangiti na kong titingin sa buwan. Katulad nya, alam kong kaya ko nang mabuhay mag-isa. Maghihintay sa mga bituin ng may yumi at pag-asa, katulad ng isang panibagong pag-ibig na dakila at mabubuhay sa magagandang alaala.

Tumawag ka na naman.

Pero pasensya ka na at di ko muna sasagutin. Hindi pa kaya ng puso ko ang magpatawad at umintindi. Balang araw, pag maayos ng lahat, ako na ang unang babati. Pero sa ngayo’y hayaan mo muna ang puso kong magpagaling. Makalimot. Makagamot. Sa mga alaala mong patuloy pa rin sa aki’y dumudurog.

Mahirap kalabanin ang isang pusong sinugatan nang malalim, at napagod nang maniwala na may totoo pang pag-ibig. Balang araw ako ang sasagot. Pero sa ngayon, hahayaan ko munang ito’y tumunog. Lima, sampu. Magbilang tayo.

Bibilangin ko ang panahon na magmamarka ng aking susunod na ligaya at pagbabago. Sasagutin ko, magbilang ka. ‘Pag kaya ko nang mag-isa nang hindi ka kasama. ‘Pag kaya ko nang umibig muli nang hindi ikaw ang naaalala. ###

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s