Tumigil 

Tayo dalawang buwan bago sumapit ang ating ika-siyam na anibersayo. Ang sabi mo hindi ka na masaya sa itinatakbo ng ating kuwento.

Umuulan noon, nung sinabi mong may iba nang nagpapatibok ng iyong puso. Kaya’t noo’y sinubukan ko pa ring ipaalala sayo ang mumunti ngunit makabuluhan nating alaala’t kwento. Saka ko lamang napagtanto na walang halaga ang lahat ng magandang kuwento sa taong nakahanap na ng bago.

Akala ko noon tayo na hanggang dulo. At totoo nga, dahil nagkaroon ng dulo ang salitang “tayo.” Kasabay nang pagbitaw mo sa ating mga sumpaa’t pangako, tumigil na rin ang pag-indayog ng iyong puso. Hindi na ako umaasa na may susunod pang kabanata ang ating kuwento, lalo pa’t hindi ko pinangarap na may kahati sa iyong salawahang puso.

Umuulan noon, nung sa huling pagkakataon ay sinubukan mong halikan ako. Ngunit hindi ka nagtagumpay dahil itinulak na kita palayo. Sa dulo, hinding-hindi ko nanaising magkaroon ng huling alaala mula sayo.

Tumigil ang mundo noong naging tayo. Ngunit pasensya ka na dahil hinding-hindi ito titigil dahil lang pinili mo sya kaysa manatili sa piling ko.

Ngayon bumabalik ka na para bang isang mababaw na sugat lang ang iniwan mo. Bilog talaga ang mundo dahil magda-dalawang buwan na pala noong sinabi mong iba na ang mahal mo. E, bakit ngayon bumabalik ka sa dating tahanan mo? Ngayon, sa tingin mo, kaya ko pa bang maniwala muli sa iyo?

Tumigil tayo dalawang buwan bago sumapit ang ating ika-siyam na anibersayo. Paulit-ulit kitang tinanong noon kung sigurado ka na ba sa desisyon mo. Patawad, sabi mo. Kaya’t alam kong totoong iiwanan mo na ako.  Masakit pero masaya ka, kaya’t pumayag na ako. Ngayon, bakit ka babalik kung kailan kaya ko nang haraping mag-isa ang mundong nilisan mo? Bakit ka babalik kung kailan natutunan ko nang mas mahalin ang sarili ko?

Siyam na taon sana natin ngayon

Advertisements