Silang

Kendi

Hawak ang manikang bigay ni tiya
Naglalaro ako sa hagdan ng aming tahanan
Si mama ay nasa opisina
Habang si papa ay nasa loob —
nagkukumpuni ng silya

Neng, tawag sa akin ni tiyo
Ang matalik na kaibigan ni Papa
Bili mo nga kami ng sigarilyo ng papa mo
Pag-uutos nya.

Agad akong nagtungo sa tindahan
At bumili ng lima
At agad iniabot kay Tiyo
Ang sigarilyo nila.

Ang laki mo na, Neng.
Dati nakakarga pa kita, pagkukuwento nya.
Lika muna dito at maglaro tayo
At pinaupo nya ako sa kanyang kandungan.

Limang beses nangyari
Ang ganoong eksena
Papaupuin nya ako sa kanyang kandungan
At maglalaro kami.

Aamuyin.
Hihimas-himasin.
Yayakapin.
Hahalikan sa pisngi.
Kasabay ng pag-abot ng dalawang kendi
Dahil panalo raw ako
Sa laro namin.

Sa musmos kong isip
Akala ko pangkaraniwan lamang
ang nangyayari
Ngunit tanging ang manika ko lamang
Ang nakasaksi na
Hindi larong pambata
Ang pagbibigay ng kendi
Kapalit ng makamundong
Pagnanasa
ng pangalawang amang
aking itinuring.

Hawak ang manikang bigay ni tiya
Napagtanto kong
Ipinagkait sa akin ni tiyo
ang pagkakataong
Magsaya at makapaglaro
Ng larong pambata.
Dahil hindi jack en poy
O tumbang preso
Ang makakagamot
Sa sugat
Na hatid ng pang-aabuso nya.
Ang kailangan ko ay
Ang taong maniniwala
Sa kwento ko
At ng iba pa,
Na hindi ito imbento
O gawa-gawa.
Kailangan ko ng magtatama
Sa maling
Ginagawa ng
Katulad nila
Upang maipanalo ko
Kahit papaano
Ang huling laro
Ng aking pagkabata.
###

Kape

Magandang umaga, Sir!
Ang aking pagbati
Isang panibagong araw
Ang kailangang bunuin.

Pumunta sa pantry
Upang gisingin ang sarili
Sa nakaaantok na
Umaga.

Hi, Erik!
Ang bati sa akin ni boss.
Sabay ng pagkandado niya
Ng pinto.

Sir, gusto nyo po ba ng kape?
Tanong ko.
Gusto mong ma-promote di ba?
Pagdudugtong nya.

Lumapit sya sa akin
At hinawakan ako sa braso
Kasabay ng mabilisang
Paggapang ng kanyang kamay.

Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Tatlong beses naulit yun.

Kinuha ko ang kape
At binuksan ng mabilis
Ang nakakandong
Pinto.

Magandang umaga, Sir!
Kasabay ng pag-abot ko
Kinabukasan
Ng aking resignation letter.

Oo, lalaki ako.
At ito ang pinipili ko.
Dahil kape ang magpapatunay
Na kahit gaano katapang
Ang katulad namin
Maari pa rin kaming abusuhin,
Gamitin,
Takutin.
Dahil kahit saan
Kahit kailan,
O kahit sino ka man,
Walang pinipiling tao
O kasarian
Ang pagnanasang
Makamundo.
Ang opsyon mo na lamang
Ay kung magpapagamit ka
Ng paulit-ulit
At matapakan
Ang iyong dangal
O pipiliin mong
Magsalita at
Lumaban.

###

Sitsit

Umaga.
Habang naglalakad
Papuntang sakayan
Hi, Miss!

Tanghali.
Habang bumibili ng
Pagkain sa gilid ng opisina.
Magandang tanghali, ate beautiful!

Hapon.
Habang naghihintay ng dyip
sa gilid ng kalsada.
Hi, ate, tara sakay ka na.”

Gabi.
Habang tinutungo
Ang daan pauwi .
Psst! Psst! Hatid na kita!

Hindi maikli
Ang aking saya
O hapit ang
Aking suot na blusa.
Walang burloloy
Na suot sa aking katawan
Ni walang bahid
Ng makeup
Ang aking mukha.
Hindi ba nila alam
Na nakakakaba,
Nakakabalisa,
Nakakabahala
Ang kanilang ginagawa
Mga boses
Na animoy
Nagbabadya ng kapahamakan
Anumang oras
Anumang lugar.

Umaga.
Tanghali.
Hapon.
Gabi.
Walang pinipiling
Panahon
Ang kabastusan.
Kababuyan.
Kamunduhan.
Hindi sa suot nating damit
O sa ayos ng ating mukha
O sa postura ng ating sarili
Ang dahilan kung bakit
Paulit-ulit nila tayong
Tinatanggalan ng dangal
Ng seguridad
Ng kapanatagan.
Kundi sa kakulangan
Nilang mag-isip ng tama
At rumespeto ng kapwa.
Dahil sa huli,
May mga taong sadyang
Nakalimutan na,
Na ang kababaihan ay
Dapat pinoprotektahan at
Ginagalang.
###

***Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 10 para sa kategoryang Tula.

Mga Sponsor:

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s