Sa Pula, Sa Itim, Sa Puti

Madilim. Madugo. Masalimuot. Nahaharap ngayon ang ating bansa sa isang malawakang digmaan. Digmaang marami na ang nakitil. Digmaang marami na ang nagbuwis at magbubuwis pa ng buhay. Digmaang dugo ang patuloy na dadanak. Digmaang hindi sundalo at rebelde ang magkalaban. Digmaang kinabibilangan ng kapulisan, kawatan, mayayaman, mahihirap, at ang nakakalungkot ay ng kabataan. Ito ang makabago ngunit mas marahas na digmaan — ang digmaan kontra droga.

Droga. Sinasabing malaki ang ginagampanan ng droga sa ating buhay. Ang droga ay isang gamot. Sa siyensya, nakakatulong ito upang makapagpagaling ng karamdaman. Nakakaapekto rin ito sa ating pag-iisip at kalusugan. Ngunit sinasabing sa maling paggamit nito, maari itong makapagdulot ng pagkasira ng buhay. Ito ang pangunahing suliraning nakapaloob sa nasabing gamot — ang pagkalulong o adiksyon.

Sa pagsisimula ng termino ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2016, walang takot nitong ipinahayag ang misyon nitong mapuksa ang lahat ng may kaugnayan sa droga — malalaking drug lords man ito, protektor o maging maliliit na kriminal.

Tinawag na “Oplan TokHang” at “Oplan Double Barrel” ang kampanya ng Pangulong Duterte kaagapay ang Philipppine National Police (PNP) laban sa bawal na gamot.

Ang Oplan Tokhang ay yaong pagba-bahay-bahay ng mga kapulisan at pagkumbinsi ng mga ito na sumuko at magbagong buhay ang mga kilalang tulak ng droga. Nagmula ang salitang ito sa pinaghalong salitang Bisaya na “toktok” (“katok”) at “hangyo” (“pakiusap”).

Samantala, ayon naman kay PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, ang “Oplan Double Barrel” ay isang proyekto kung saan “isang kalabit lang sa barrel, dalawang trigger ang puputok. Merong barrel na kakalabit sa taas, sa high value target at merong barrel na tatama doon sa baba, doon sa mga street-level personalities.”

Hindi maikakaila na naging epektibo ang kampanyang ito sa mga naunang araw dahil marami ang sumukong durugista at adik. Ngunit kaiba na ang naging resulta ng kampanyang ito sa nagdaang panahon. Dito na lumabas ang kahindik-hindik na reyalidad ng nasabing kampanya.

Sa pula. 

Estudyante. Labimpitong taong gulang. Nangarap maging pulis. Napatay ng pulis. Ito ang kinahinatnan ni Kian Loyd delos Santos, isang mabuting anak at kapatid sa kanyang pamilya.

Labing-siyam na taong gulang. Nangangasiwa ng tindahan. Napagbintangang nang-holdap ng taxi. Pinaghinalaang nanlaban. Binaril ng pulis. Napatay. Ito naman ang sinapit ni Carl Angelo Arnaiz, isang matalino, palatawa, at butihing anak sa kanyang mga magulang at kaibigan.

Dalawa lamang sila sa madugong kinahinatnan nang masidhing kampanya ng administrasyon kontra droga. Mga kabataang pinaghinalaang sangkot sa ipinagbabawal na gamot at ngayo’y mga boses na humihingi ng tulong at sumisigaw ng hustisya sa walang awa nilang pagkakapaslang.

Kung mayroon mang mukha sa likod ng patuloy na pakikibaka sa droga, masasabing si Kian, Carl Angelo at ang kalunus-lunos nilang pagkamatay ang magsisilbing anino nito. Aninong hanggang ngayon ay isa pa ring palaisipan kung mabibigyan ba ng katahimikan ang mga buhay at pangarap na nasayang dahil lamang sa maigting na utos na mapatay ang mga may kaugnayan sa droga, kahit wala namang matibay na ebidensya na magpapatunay sa koneksyon ng mga biktima ukol dito.

Sa pagkakapaslang ng mga walang kamalay-malay na kabataan, masusuri dito na walang pinipiling target ang ating kapulisan. Bata man o matanda walang ligtas sa proyektong ito. Ngunit sa pangyayari ring ito, makikita ang hindi organisado at pabigla-biglang operasyon ng kapulisan. Operasyong hindi sana hahantong sa madugong pagkawasak ng mga pangarap, kung sinigurado muna na tama ang nakuhang ebidensya. Operasyong hindi makukwestyon ang kredibilidad ng kapulisan kung pinairal ang paghi-hinay-hinay at pagsigurado sa mga tip na nakuha ng mga ito sa kanilang mga impormante.

Tumakbo. Nanlaban. Nagpaputok ng baril. Ito ang madalas na dahilan ng kapulisan kapag napapatay nila ang pinaghihinalaang durugista. Si Kian, napagbintangang drug runner ng pamilya. Kinaladkad, pinosasan, pinatakbo at saka binaril. Iniwang patay at may hawak na baril sa kanang kamay at dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu. Si Carl, ‘di umano’y nanutok ng baril, nang-holdap ng isang taxi driver at dali-daling tumakas. Nabaril siya ng pulis matapos umanong manlaban at paputukan ng baril ang mga ito habang siya ay tumatakas. Nakitaan siya na may bibit na  dalawang pakete ng marijuana at tatlong pakete ng shabu sa kanyang bagahe.

Mahirap limiin na sa ganitong pamamaraan na tumatakbo ang kalakaran upang mapuksa ang salot ng lipunan. Sa panawagan ng ating Pangulo na bawasan ang mga nagpapakalat ng krimen sa bansa, nakakatakot na marami pang madadagdag na inosente, walang malay at kaawaa-awang sibilyan na maaring maging isang alay upang mapunan lamang ang hamon ng Pangulo na masawata ang mga naghahasik ng salot sa lipunan.

Hustisya. Sa madugong pakikibaka ng pamahalaan ukol sa bawal na gamot, nananaig ngayon ang tawag at boses ng mga human rights advocate upang mapanagot ang mga pulis at iba pang sangkot sa hindi makataong pagpaslang sa mga nahuhuli at pinaghihinalaan nitong may kaugnayan sa droga. Nakakalungkot isipin na hanggang ngayon, mailap ang hustisya sa bansa. Patuloy na namamayani ang mga may sala kaysa sa mga inosenteng mamamayan.

Ang hustisya sa bansa ay napupunta lamang sa mga binging tainga ng mga dapat sana ay pumo-protekta sa karapatan ng bawat Pilipino. Hanggang ngayon, mahina ang kapangyarihan ng boses ng bayan upang mabigyan ng hustisya ang mga walang muwang na nadawit sa digmaang patuloy na nananaig sa bansa. Ang boses ng Pilipino na sana’y gigising sa diwa ng makataong paghatol ay nagiging isang oyayi na nagpapatulog lamang sa mga awtoridad na dapat nagtatanggol sa karapatan ng bayan. Ganito ang mukha ng hustisya lalo na ngayon sa usapin ng droga — mailap, matagal, nakakapanghina ng kalooban.

Sa Itim.

Kung may isang malagim na resulta ang pakikibaka kontra droga, hindi maikakailang ito ay kamatayan — makatao man o hindi.

Magmula ng kampanya, umabot na nga sa libu-libo ang napapaslang na drug personalities sa operasyon ng pulisya. Numerong kinabibilangan ng mga lehitimong operasyon at mga extrajudicial killings.

Ang masakit na katotohanan ay yaong sa likod ng magandang pagnanasa ng pamahalaan na mapabagsak ang utak ng droga sa bansa, ang mga nagdurusa at nagbubuwis ng buhay — kung hindi ang mga maliliit na kriminal — ay yaong mga inosenteng maralita. Mga indibidwal na may pangarap, nagplanong bumili lamang ng pagkain isang gabi, at kinabukasan malamig na bangkay nang matatagpuan.

Mas nakakatuwang gumising isang araw na mas malaking isda na ang nabingwit ng pamahalaan. Mas maganda siguro, kung isang araw, ibaling ng pamahalaan ang kanilang atensyon sa pinaka-puno’t dulo ng kadilimang ito — ang mga big-time drug lords.

Sa kaliwa’t kanang patayan, malalim na sugat ang naiiwan sa puso at pagkatao ng mga naulila. Sugat na hindi kayang burahin ng isang paghingi lamang ng tawad dahil sa maling akusasyon, lalo na sa pamilya at naiwan ng napagkamalang suspek; lalo na kung ang mga nagdusa ay walang namang kamuwang-muwang.

Kamatayan. Ito ba ang sagot sa madilim na yugto ng pakikibakang ito, o isa lamang itong pagtatagong anyo sa pagkabigo ng ating pamahalaan na isalang at parusahan ang tunay na kriminal sa bansa.

Madilim. Kahindik-hindik. Sa kasalukuyang estado ng ating bansa ukol sa isyung ito, ‘di maiiwasang isipin na walang oras, panahon o lugar ang ligtas para sa mamamayan. Sa pag-aakalang ang mga taong pu-protekta sayo ay yaong pang magiging mitsa ng buhay mo. Madilim ang yugtong ito.

Nakakatakot na habang naglalakad ka, isang gabing payapa, ay mapagkamalan ka ng isang adik at hindi ka na abutin kinaumagahan. Hindi ito ang mukha ng isang maganda at ligtas na bansa. Hindi ito ang Pilipinas na payapa.

Sa puti.

Tunay na walang maidudulot na maganda ang droga. At ang droga, maaaring matagpuan kung saan-saan. Ang nakakabahala ay ang patuloy na paghahari ng salot na ito.

Paghahari dahil hanggang ngayon ang mga utak ng kasamaang ito ay namumuhay ng marangya. Namamasyal at pagala-gala lamang sa paligid, at ang iba’y nagsasaya sa ibang bansa. Naghihintay ng mga bagong biktima na ipapakain sa mga kasamaang sila naman ang naghasik. Ganito ang pagtatagumpay ng mga big-time drug lords sa bansa. At ang masaklap, patuloy silang maghahari nasa rehas man sila o wala.

Salot ang droga. Ang droga hindi panandaliang kaligayahan. Ito ay pagdurusang panghabang-buhay. Sa minsang paggamit nito, tiyak na babalik-balikan at hahanap-hanapin mo ito. Isa itong adiksyon na hindi magagamot ng isang araw lamang. Na kahit mismong taong nakapagpa-rehab na, may mantsa nang naidulot ito. May pagkakataong babalikan mo ang dati mong gawi.

Traydor ang droga. Walang mabuting makukuha dito. Isa itong madilim na aninong dadalaw sayo sa panahong akala mo nakalimutan mo na ito. Walang itong pipiliing panahon o pagkakataon kapag umatake. Tatangkain ka nitong ibalik sa madilim mong kahapon na pilit mo pa ring kinakalimutan. Ang droga ay salot. Isang salot na dapat lupigin.

Mas madaling isipin na hindi hahantong sa mahirap na sitwasyong ito ang bansa kung mas pinagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pinakaugat ng problema ng bayan — ang kahirapan. Sa ngayon ang laban kontra droga ay laban din ng kahirapan. Masasabing kahirapan ang dahilan kung kaya’t mas lumalakas ang kalakaran ng droga sa bansa.

Ginagamit ng mayayaman ang mahihirap upang makapagpuslit sila ng iligal na gamot. Ginagamit nila ang mga abang mamamayan upang lumawig pa ang kanilang negosyo. At sa huli, kapag nagkagipitan, ang mga abang mamamayan din ang ipinapain nila sa mga kapulisan. Ganito kalakas ang puwersa ng mayayaman sa mahihirap. Kaya nilang paikutin sa kanilang mga kamay ang mga nagdarahop. Kaya nilang baligtarin ang hustisya. Kaya nilang gawing tama ang mali upang pumanig sa kanila ang mas nakakarami. Sa droga kaya nilang paikutin ang mahihirap. Sa droga, kaya nilang linlangin ang mahihirap at sabihing makakatulong ito upang bumuti ang kanilang pamumuhay. Ito ang nakakalungkot na katotohanan kung kaya’t sa huli, tanging mahihirap lamang ang nagdurusa sa giyera kontra droga.

Sa pula, sa itim, sa puti. Mahahalintulad ang giyera kontra droga ng gobyerno sa sugal na sabong. Dalawang panig ang magkalaban. Isa ang masusugatan, ang isa’y mamamatay. Isang kasamaan laban sa isang mas maalab na mithiing masupil ang kadilimang dulot ng droga.

Kahalintulad ng sugal, ang misyong mapuksa ang kasamaan ay isang laro ng pagkakataon. Hindi nito nasisiguro na magwawagi ang kabutihan lalo pa’t sa ngayon, naghahari pa rin ang mga higanteng drug lords na masayang pinagtatawanan lamang ang nangyayari sa mga maliliit na kriminal. Tulad ng isang totoong digmaan, wala sa dalawang panig ang mananalo. Ni isa, hindi makakalasap ng tagumpay lalo na kung sa giyerang ito, may nasawi at nasugatan.

Ang digmaan, kahit pagbali-baligtarin, magiging isa ng bangungot.  Bangungot na dadalhin ng bawat isa sa nakaranas nito. Walang gamot o likidong makakagaling sa sugat na maiiwan ng mahapdi at masalimuot na pangyayaring ito. Ang giyera kontra droga ay isang mahabang proseso ng paghihintay, pagtitiis at pagtanggap sa katotohanang sa dulo ng laban na ito, mayroong kailangang magsakripisyo — mayroong mga inosenteg madadamay at mga taong nagdulot ng kasamaan sa bayan na dapat magbayad. Nagsisimula pa lamang ang laban na ito. At ang katotohana’y wala pang eksaktong araw o panahon kung kailan magwawakas ito. Walang pula, itim o puti na mamamayani sa bansa. Walang kulay na magdidikta ng resulta ng giyera kontra droga. Dahil sa huli, ang tunay na mithiin ng digmaan maliban sa isang ligtas, makatao at maunlad na pamayanan ay walang iba kundi ang mailap na kapayapaan. ###

 

***Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa kategoryang Sanaysay: Sachet.

Mga Sponsor:

Advertisements

Responsableng Pilipino: Sagot kontra Fake News

Kaguluhan. Krimen. Karahasan. Sa pag-usbong ng social media, ilan lamang ito sa maraming epektong maaring idulot nang paglaganap ng mga maling impormasyon sa bansa o ang mas kilala natin sa tawag na “fake news.”

Batay sa datos na inilabas ng ilang mapagkakatiwalaang ahensya, ang Pilipinas ang isa sa mga nangungunang bansa sa Asya pagdating sa paggamit ng internet. Umabot na sa animnapung porsyento (60%) ang bilang ng mga Pilipinong mahilig gumamit ng internet at social media.  Ito ang  dahilan sa hindi maiwasang pag-usbong ng samu’t saring kuwento na walang basehan, hindi makatotohanan at minsan pa nga’y puro kasinungalingan.

Pinagpakahulugan ang “fake news information” ng Senate Bill 1492 o ang “Anti-Fake News Act of 2017” bilang pagbibigay ng mga maling impormasyon na maaaring magdulot ng kapangambahan, alitan, kaguluhan, karahasan, kamuhian o mga propaganda na nakakasira sa reputasyon ng isang tao.

Sa paglaganap ng naturang aktibidades, bilang isang mamamayan, may mga ilang paraan upang makatulong tayong labanan at maiwasan ito.

1. Suriing mabuti ang mga impormasyong nababasa

Kilala ang Pilipino bilang isang mapanuring tao. Isa ito sa magagandang katangiang taglay natin. Kung kaya’t mas mainam na huwag munang paniwalaan ang lahat ng nababasa sa internet. Dahil ang mapanuring Pilipino, hindi basta-basta naniniwala sa mga balitang haka-haka lamang.

2. Alamin ang pinanggalingan

Iba’t ibang impormasyon ang ating nababasa araw-araw. Iba’t iba rin ang pinanggalingan ng mga ito. Upang makaiwas sa fake news, alamin kung may kredibilidad ba ang naghatid ng istorya. Matagal na ba ito sa industriya o beterano na ba ito sa pagbibigay ng makabuluhang datos. Alamin ang mga nagawa o naiambag nito sa pagpapakalap ng totoong balita. Tandaan, ang tunay na istorya ay may tunay, maasahan at mapagakatiwalaang pinanggalingan.

3.     Pagkumpara nang nabasang impormasyon sa iba

Upang makatiyak na tama ang impormasyong nabasa, nararapat na mayroon itong kahalintulad na istorya sa iba pang mapagkakatiwalaang source. At kung nag-iisa at wala itong katulad na istorya sa iba, maari mo na itong pagdudahan at ‘wag nang paniwalaan. Minsan mas mainam na ikumpara ang mga bagay upang malaman mo kung ano ba ang wasto sa hindi.

4. Bigyang pansin ang pamagat, larawan o bidyo at anyo ng impormasyon

Kamakailan lang ay naglabas ang Google at Facebook ng mga pamantayan upang makaiwas sa fake news. Ilan ang mga sumusunod sa mga nabanggit ng nasabing kumpanya:

  • Agaw-pansing pamagat

Ayon sa naturang ahensya, nagtataglay nang makatawag-pansing pamagat ang isang pekeng impormasyon. Kukunin nito ang iyong atensyon. Madalas din itong nagtataglay ng pulos malalaking titik at tandang pandamdam.

  • Minanipulang larawan, bidyo

Nabanggit din sa nasabing pamamaraan na madalas peke ang isang impormasyon kung nagtataglay ito ng mga na-edit ng larawan o bidyo. Maaari itong kuha sa ibang naganap ng pangyayari at tsaka ito papatungan ng kung anu-anong disenyo upang magmukhang makatotohanan.

  • Mali-maling baybay; magulong anyo

Isa ring katangian ng fake news na nabanggit ng dalawang kumpanya ay ang pagkakaroon ng samu’t saring maling baybay. Mapapansin din dito na magulo ang pormat o anyo nito. Isinaad din nito na maging mapanuri sa mga websites lalo na kung ito’y nagtataglay ng mga kahina-hinalang URLs.

5. Huwag nang ipakalat kung ito’y mali

Isaalang-alang ang kapakanan ng iba. Dito papasok ang adbokasiya ng GMA News na “Think before you click.” Kung nadiskubreng mali ang nabasang impormasyon, ‘wag nang tangkain pang ipakalat ito. Isipin ang maaring idulot ng pagbabahagi ng maling impormasyon sa iba. Sa kasalukuyan, ang ating mga daliri na ang pinakamakapangyarihang bahagi ng ating katawan. Maaring makabuti o makasama sa iba ang bawat pagpindot at paggamit nito. Piliin ang mabuti at isipin ang kahihinatnan ng bawat aksyon.

6. Ikaw, tayo mismo

Walang iba kundi tayo ang pinakamabisang paraan upang masugpo ang paglaganap ng fake news. Sa atin magsisimula at sa atin din ito magtatapos. Kailangang bigyan ng limitasyon ang paggamit ng internet. Hangga’t maari huwag basta-basta ibahagi ang lahat nang nababasa. Hindi lahat nang nakikita ay kinakailangang ibahagi. Kontrolin ang sarili sa sobrang paggamit ng social media. Umiwas hangga’t makakaiwas. Huwag idepende ang lahat ng bagay sa internet. Ito ang pinakaimportanteng dapat nating matutunan. Walang pagbabago kung hindi mangagaling sa pagkontrol. Tayo mismo ang daan upang maiwasan ito.

Hindi maikakaila na ang internet na ang pinaka-maimpluwensyang kasangkapan na pinagmumulan ng iba’t ibang impormasyon sa mundo at patuloy pa ang pag-usbong nito. Walang agarang solusyon sa pagpalaganap ng fake news sa bansa. Ngunit bilang isang Pilipino, may magagawa tayo upang maiwasan ito.

Kaguluhan. Krimen. Karahasan. Kaakibat ng bawat aksyon ay responsibilidad.  Bilang isang Pilipino, may responsibilidad tayong mag-isip at umakto nang wasto. Isang malaking pananagutan ang nakaatang sa malayang pamamahayag. Lahat ng bagay may limitasyon.

Ang totoong kalayaan ay yaong alam kung ano ang makakabuti at makakasama sa iba. Ang kalayaan hindi inaabuso. Bagkus, ang kalayaan ay ang kakayahang isaalang-alang ang kapakanan ng nakakarami. Ang Pilipino ay malaya. Ngunit sa bawat kalayaan, higit na may kapasidad tayong maging responsable. Dahil sa dulo, ang batayan ng pagiging isang tunay na Pilipino ay ang kapasidad nitong maging responsable, matalino at kakayahang pumili ng mali sa wasto. ###

***Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa kategoryang “Ispesyal na Patimpalak: Fake News.”

Mga Sponsor:

Isang Araw, Tatlong Karatula

UMAGA

Patingin-tingin
sa dumaraan
Tingin sa ibaba
mga sapatos na kumikinang
Tingin sa gitna
kotseng magagara
Tingin sa taas
walang nakikitang pag-asa

Umaga na naman
saan hahagilap ng pang-laman
Sa sikmurang gutom
at uhaw, kailan hihilom
Ang sakit ng anak
na nakaratay
Sa tabi ng daan
umaasang maabunan

Nang kaunting tulong
mula sa nagdaraan
Paroo’t parito
mapansin sana ninyo
Duming hindi lamang
nakamantsa sa suot
Sa lipunan akala
sa ami’y salot

Ale! mama!
Wala ba kayong pakiramdam?
Mata’y ‘wag ipikit
puso sa ami’y ilapit
Palad abutin
isa lamang dalangin —
Barya lang po, pangkain,”
karatulang pinasulat pa namin.

Patingin-tingin
sa dumaraan
Umaga na naman
saan kukuha ng pang-laman
Kaunting tulong sana
sa nagdaraan
Ale! Mama!
Wala ba kayong pakiramdam?

###

GABI

Madilim ang paligid
masukal ang daan
Hahagilap ng pagkain
sa nakakalat na basurahan
Kapatid ko’y may sakit
gamot kailangan
Si ina’y lumuluha
pighati’y hanggang kailan

May nakahimlay
sa gilid ng kalsada
Sakto walang kaagaw
bibilisan ko ang pagkuha
Mga basurang tinapon
dyaryo, bote, garapa
Umaasang kahit papano’y
may pagkaing tira-tira

Pagtingin sa daan
natakot sa nakita
Dalawang kalalakihan
bigla akong inambahan
Suntok dito, tadyak doon
kalakal ko’y tuluyan nang natapon
Sigaw nila’y “krimen mo’y iyo nang aminin,
     ‘wag mo kaming galitin!

Kulay pula na ang kalsada
sabay nang pagpikit ng aking mata
Hindi akalain maririnig
pagputok ng tatlong bala
Iniwan sa kamay ko’y isang baril,
isang pakete ng droga sa bulsa
Kasabay ang pagpatong ng isang karatula
Pusher ako! ‘Wag tularan!

Madilim ang paligid
masukal ang daan
May nakahimlay
sa gilid ng kalsada
Pagtingin sa daan
natakot sa nakita
Kulay pula na ang kalsada
Sabay nang pagpikit ng aking mata.

###

HAPON

Tirik ang araw
mainit ang kalsada
Mabigat ang mga paa
palakad sa eskinita
May mga naka-payong
iba’y nakasakay na
Mga ulo’y nakayuko
nagdarasal, nagdurusa.

May kahong puti
dahan-dahang pinaparada
Kasabay ng mga pangarap
na tuluyan nang nabura
May isang babae
yakap isang larawan
Nakaitim, humahagulgol
naupos na pag-asa

“Hustisya!” sigaw
ng kanilang karatula
Kasama ang mga grupong
taliwas sa droga
Sa amin ngayon
atensyon ng media
Bakit hindi kami napansin
noong may buhay pa.

Kasabay nang paghagis ng rosas,
paglipad ng lobo at pagtabon ng lupa
Kinabukasa’y hindi
ko na pala makikita
Unti-unti binalot
na nang kadiliman
Tulad ng puso ni inay
nang inihatid ako sa aking huling hantungan.

Tirik ang araw
mainit ang kalsada
May kahong puti
dahan-dahang pinaparada
Hustisya!” sigaw
ng kanilang karatula
Kasabay nang paghagis ng rosas,
paglipad ng lobo at pagtabon ng lupa.

###

***Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 9 para sa kategoryang Pagsulat ng Tula:
“Karatula.”

Mga Sponsor:

 

Bloom

Because you’re brave.

Life works in such a crazy way. Even there are struggles along the way, you will survive the storm. You’ll conquer heights. You’ll fight for what you dream on.

Remember, you’re ingenious.

When things are not working the way you plan it, just keep on trying. From plan A, proceed to plan B. There is no easy route in this life. You’ll experience falling a lot of times but if there’s falling there is also catching. Catch yourself. Stand firm on the ground. Live what you believe. There is no remedy from failure than to end up winning in the end. Believe in yourself.

Dear, you’re patient.

Remember, for all the things lost there are precious things left to find. Patience, dear. There’s a pot of gold in a rainbow, just like there’s  a “good job” in life. You’ve reached this far, wait a little more. Soon things will unleash itself and you will find treasure the least you expect it so aim for more.

And so you’ll grow.

Like a butterfly, you’ll spread your wings and fly to the sky. Don’t be blinded by the light. It will serve as your guide. Reach for your aspirations. Never stop dreaming. Flap your wings and say “Hello, World! Watch me, I’ll conquer you!” You have wings to aim high and eyes to settle your goals. Worry less. Be brave enough to fight for what is best.

And because of that, you’ll grow.

Because you’re a survivor.

And you survived. Job well done! Life’s tough but so are you. So grow. There’s no stopping now. Push ahead. Keep on blooming. Life’s sweet reward awaits you! 🙂

I’m in love with Sunrise

Just as deeply as I am in love with you.

I remember us holding hands while waiting for the sky to paint us a magnificent combination of yellow and orange in a splash of its bluish canvass. Slowly, like magic, dark clouds give way to a brilliant color scheme tantalizing both our eyes. A mesmerizing view — a sunrise with you.

And then I looked at you.

And I’m amazed. I’m amazed how your eyes can hold a new set of sunrise. A sunrise that lights up my heart. How those mix of colors can be so beautiful and captivating when you lift my head and stare at me, fascinated and wandering. “I can watch a million sunrises with you, but nothing can compare beauty whenever I look at you,” you said to me.

And how can I respond to those unwavering words. It just felt so good. And it even felt so good when you held my hand and slowly placed it in your chest. And I feel it, your heart’s sudden throbbing. “You’re the only one who can make this stir and beating,” you added.

I never knew how moving it is to realize how your heart beats for me. You made me want to watch more sunrise with you. You’re just my good days and all the days that will follow. And when i looked back, I want to see how far we’ve reached — how this overflowing love can create million sunrises by just looking through each other’s eyes and feeling each other’s heart.

Love is beautiful. It blends colors and  suddenly, you can create exquisite pictures together. We’re like that — a mix of black and white splashed with dazzling colors forming a picturesque masterpiece. Love is a masterpiece and so are we.

We held hands while we watched the sun rising on the horizon. I’m in love with sunrise, I said. But I can never love something as much as I love you. I’m in love with sunrise. But I’m more in love with you.

###

 

Art of Leaving

We leave something of ourselves behind when we leave a place, we stay there, even though we go away. And there are things in us that we can find again only by going back there.”
Pascal Mercier, Night Train to Lisbon

There is no good in goodbye.

Even the bluest of sky will soon get dark.

Even the strongest of people tend to go weak.

Even those who promise to stay will later on leave.

There is no good in goodbye.

Those who were left will be broken, but it will also broke you, who will leave.

You will start again. New horizons will be waiting for you. There will lie a path for you to cross, a direction you will choose. You will be brave. Yes, you will. You have reached this far and the destination you will be going will surely test you. But be tough, dear! Life lies a bunch of opportunities for you to try out. Say hello to new things, to new people, to new atmosphere. Say hello to the new YOU!

There is no easy thing in this world.  There is no proper way to say goodbye. But those you left will understand you. They will wish you all the best. They’ve been with you through good and tough times to hope for your success. They may be hurt seeing you go, but they will support you throughout. Loving is never hard and so they will love you through and through.

You will say hello to the new world ahead of you and they will say goodbye because they need to. But all of you will get over it — the leaving.  Endings mark new beginnings.  And beginnings unleash new discoveries. Endings are necessary. Sometimes you need to close some doors to see new windows. Endings are not goodbyes, rather they are hellos.

There is no good in goodbye.

You will leave but in the hearts of those you love — you will forever stay.

Because there is really no such thing as goodbye. Rather, there is this thing called see you again.  ###

 

Somewhere

I am lost.

See, I do not know where I am heading. Left or right. Forward or backward. There are a lot of things going around and I can’t seem to comprehend why things happen the way it is. Things keep bugging me and I can’t seem to stop it, because the truth is, I really can’t. Because there is a more powerful being, up there, who knows the reason for all of these.

And so I realized, I need to freshen up my mind and to sort things out. There is no easy route towards change than to see that you’ve actually grown — heart and mind. Change is necessary when things get too habitual. When there’s nothing left of you than to grow and face what fears you.

The greatest pleasure in life is doing what people say you can’t do. So try new things. Explore. For the past years, I’ve realized that the best kind of woman is the one who stood up for what she believes. The woman who lives up her dreams. And so I will keep on dreaming and to achieve it soon.

I am lost.

But I know sooner where I am heading.

I am heading somewhere. Somewhere where all my dreams, plans, and aspirations come into reality.

I am lost.

But with God’s grace, He will grant my heart’s desire. Surely, I will. Surely, I can.

I don’t know where I am going, but I’m on my way.

Because for whatever I lost, I will find.###

Dulo

Hinanap ko ang hangganan ng bawat pangungusap na maari kong maisulat tungkol sayo. Tulad nang pagpilit kong makahanap ng tamang salita sa mga tula kong walang tugma at sa tuwinang pagpapalit ko sa mga liriko ng kantang tingin ko’y ‘di akma. Mahirap.

Ilang espasyo na ba ng papel ang aking nalaktawan dahil hindi ko mabuo ang ideyang wala palang kahit anong alaala o kahit sinuman ang papalit sa espasyong iniwan mo sa puso ko mula noong sinabi mong hanggang dito na lamang tayo. Umasa.

Naalala ko noong sinabi mong ako ang iyong simula lalo na ang iyong dulo. Tulad ng ibig sa salitang pag-ibig; tulad ng mahal sa salitang pagmamahal. Sinabi mong ako’y iyong inibig dahil ako’y iyong mahal. Ngunit bakit bigla na lamang naglaho, ang pag-ibig mong minsan sa aki’y iyong ipinangako.

Ngunit magkagayunman, kahit kailan hindi ako lumisan.

Hinintay ko pa rin ang pagbabalik mong walang kasiguraduhan.

May kahihinatnan pa ba ang kuwento nating minsan mo ring sinabing pang-habang buhay?

O ang kuwentong ito’y ating tutuldukan na lamang.

Dahil mahirap umasa lalo na sa mga bagay na panandalian.

Lahat ng bagay may hangganan.

Kaya ako’y hanggang dito na lamang.

Ito ang katapusan.

Oo, may dulo ang walang hanggan.

###

 

Pagbibilang

passing of time

Mahirap ang maghintay.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong tumingala sa langit. Hinihintay ang pagpapalit ng kulay ng kalangitan mula asul patungong kadiliman.

Kaisa ako ng madilim na kalangitan. Naisip kong mas mahiwaga ang dilim. Mas mapagpanggap. Mas payapa. Ngunit sa huli, hindi asul o itim ang makakapagpanatili sayo dahil mas pinili mong sumama sa taong ang gusto’y  kulay ng palubog na araw.

Mahirap ang maghintay.

Ilang beses ko na bang pinagmasdan ang pagkalagas ng dahon ng punong minsan nating naging tagpuan. Naalala ko noong minsa’y minapa mo sa isang dahon ang ating pangarap. Sinulatan ang dahon ng ating pangalan at ng salitang walang hanggan. Hanggang bumalik ako doon isang araw, at ang naabutan ko na lamang ay isang kalbong puno kasabay ng pangarap nating tuluyan nang nakalimutan.

Mahirap ang maghintay.

Ilang beses ko na bang binilang ang bawat hakbang ng aking paa. Umaasang matagpuan kita. Nagbabakasakaling aksidenteng mabangga kita at matanong mo man lang kung “kumusta ka?” Dahil minsan ang isang kumusta ka ay isa na ring pamamaalam sa bawat alaala nating binuo ng magkasama.

Mahirap ang maghintay.

Mas mahirap ang umasang darating ka.

Pinakamahirap ang umibig sa isang alaala.

Nakakalungkot.

Nakakapagod.

Pero sa huli mas magandang maghintay ng panibagong pag-alalayan ng magandang alaala.

Tulad ng muling pagliwanag ng madilim na kalangitan.

Tulad ng pagusbong ng mga dahon sa punong ating naging tagpuan.

Tulad ng patuloy na paghakbang ng aking mga paa sa daang may maghihintay sa pagdating ko.

Maghihintay ako.

Hindi sayo.

Hihintayin ko sya.

Mahirap maghintay.

Pero sa kanya na pahahalagahan at iibigin ako ng buo kasama ng mga kamalian ko, bakit hindi?

Dahil ang pinakadalisay na pag-ibig ay sadyang hinihintay.

Mahirap maghintay.

Pero hindi ako titigil na umibig ng dalisay.

###