Pagbibilang

passing of time

Mahirap ang maghintay.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong tumingala sa langit. Hinihintay ang pagpapalit ng kulay ng kalangitan mula asul patungong kadiliman.

Kaisa ako ng madilim na kalangitan. Naisip kong mas mahiwaga ang dilim. Mas mapagpanggap. Mas payapa. Ngunit sa huli, hindi asul o itim ang makakapagpanatili sayo dahil mas pinili mong sumama sa taong ang gusto’y  kulay ng palubog na araw.

Mahirap ang maghintay.

Ilang beses ko na bang pinagmasdan ang pagkalagas ng dahon ng punong minsan nating naging tagpuan. Naalala ko noong minsa’y minapa mo sa isang dahon ang ating pangarap. Sinulatan ang dahon ng ating pangalan at ng salitang walang hanggan. Hanggang bumalik ako doon isang araw, at ang naabutan ko na lamang ay isang kalbong puno kasabay ng pangarap nating tuluyan nang nakalimutan.

Mahirap ang maghintay.

Ilang beses ko na bang binilang ang bawat hakbang ng aking paa. Umaasang matagpuan kita. Nagbabakasakaling aksidenteng mabangga kita at matanong mo man lang kung “kumusta ka?” Dahil minsan ang isang kumusta ka ay isa na ring pamamaalam sa bawat alaala nating binuo ng magkasama.

Mahirap ang maghintay.

Mas mahirap ang umasang darating ka.

Pinakamahirap ang umibig sa isang alaala.

Nakakalungkot.

Nakakapagod.

Pero sa huli mas magandang maghintay ng panibagong pag-alalayan ng magandang alaala.

Tulad ng muling pagliwanag ng madilim na kalangitan.

Tulad ng pagusbong ng mga dahon sa punong ating naging tagpuan.

Tulad ng patuloy na paghakbang ng aking mga paa sa daang may maghihintay sa pagdating ko.

Maghihintay ako.

Hindi sayo.

Hihintayin ko sya.

Mahirap maghintay.

Pero sa kanya na pahahalagahan at iibigin ako ng buo kasama ng mga kamalian ko, bakit hindi?

Dahil ang pinakadalisay na pag-ibig ay sadyang hinihintay.

Mahirap maghintay.

Pero hindi ako titigil na umibig ng dalisay.

###

 

Unang ulan ng Disyembre

Patak.

Unti-unting pumapatak ang ulan.

Habang nakatingin sa bintana, naalala ka nya.

Malamig.

Kasing lamig ng hangin na dala ng ulan, tanda pa nya ang yakap mong pagkahigpit-higpit na nagbigay init na tumatagos sa kanyang buto.

Tulad ng kapeng palagi mong itinitimpla, ramdam nya ang pait at tapang noong minsa’y piniling mo siyang iwan.

Oo, iniwan mo sya.

Ulan.

Disyembre.

Habang ang mga paa mo’y papalapit sa pintuan, biglang bumuhos ang malakas na ulan.

Napatigil ka sandali.

Nagdalawang-isip ka kaya?

Sa kanyang isip ay bumilang sya…

Isa…

Dalawa…

Tatlo…

Hindi ka na lumingon.

Tuluy-tuloy mong sinuong ang malakas na ulan.

Diretso palayo sa kanya…

Naiwan syang nakatingin sa pinto…

Nakaabang.

Tulala.

Hindi makapaniwala.

Mag-isa…

Habang bumubuhos ang malakas na ulan. ###

Minsan

Minsan may isang bulaklak…
Na nangahas makita kung ano ang tunay na kulay ng mundo.
Hindi nito alintana ang dumi at bangis ng paligid.
Araw-araw itong nakitangala at pinagmamasdan ang asul na kalangitan.
Nangangarap na balang araw magkaroon muli ng ibang kulay ang kanyang mga talulot.

Minsan may isang bubuyog…
Lipad dito, lipad doon. Buhay nya’y pulos paglipad.
Nasanay na sya sa galaw ng paligid.
Nahilig syang sumabay sa ihip ng hangin.
Lipad dito, lipad doon…
Hanggang napadpad siya sa bulaklak.
Doon nagsimula ang makulay niyang paglalakbay sa mundo.

Minsan may isang ikaw…
Na nangarap maging isang bulaklak.
Nais magbigay ganda at ligaya sa mundo.
Hanggang…

Minsan may isang sya…
Na bigla na lamang lumitaw sa buhay mo.
Na nagbigay kulay sa ordinaryong buhay na kinagisnan mo.
Na nangakong magbibigay ningning sa mga mata mong may lumbay.
Na nagsabing ikaw ang kanyang mundo.

Minsan may isang kayo…
Na sabay tinahak ang paiba-ibang galaw ng paligid.
Magkahawak-kamay na lumipad at nangarap ng isang makulay na buhay.
Naging magkasangga sa lungkot at saya.
Naging rason ng bawat galak sa labi at mata ng isa’t isa.
Naging isang kuwentong masarap balik-balikan.
Naging parte ng isang magandang alaala na sadyang hindi malilimutan.

Hanggang…
Minsan…

Ay oo nga pala,
Tapos na pala ang kuwento ng inyong minsan. ###

Paghihintay

Gaano ba kahirap maghintay?

Minuto

Taon o

Pang-habang buhay?

Pagkat ako,

Hihintayin kita…

Sa pagbalik-tanaw mo sa mga araw na hindi pa tayo magkakilala.

Habang kinukulit kita araw-araw sa tuwinang pag-alok ng biskwit sa bawat pagtatapos ng ating klase.

Hihintayin kita…

Sa lugar kung saan namamalagi ang mga ferry sa Ilog Pasig.

Sa eksaktong lugar kung saan tayo madalas magsulatan, mag-asaran, at maglambingan.

Kung saan masaya na tayong magkahawak-kamay habang nakatingala sa kalangitan at sabay na nangangarap.

Hihintayin kita…

Hanggang maalala mo muli ang una nating kinain noong nagkikilanlan pa lamang tayo.

O ang mga patago mong sulyap sa akin at mga nakaw na paghanga habang tayo’y nag-uusap.

Lalo na ang araw na sinambit ko sayo ang matamis kong “oo.”

Hihintayin kita…

Hanggang maalala mo kung gaano kita kamahal.

Na mas higit ang pagmamahal ko kaysa sa mga kasalanan ko.

Hihintayin kita…

Hanggang makita mong ako’y tunay nang nagbago.

Hanggang matagpuan mo sa puso mo na ako’y iyo nang mapatawad.

Hihintayin kita…

Kahit matagal.

Kahit paulit-ulit na malumbay ang aking puso dahil sa pangungulila nito sayo.

Kahit sobrang laki na ng espasyong iniwan mo sa puso ko simula nang lumayo ang damdamin mo.

Hahanap-hanapin ko ang bubuo sa blankong espasyong iyon, sa mga larawan at alaalang ating pinagsamahan.

Hihintayin kita…

Kahit sabi nila na nakakapagod ang maghintay.

Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi kinapapaguran lalo na kung ito ay wagas.

Dahil alam kong kailangan mo lamang ng oras para makapag-isip.

At kaya kong ibigay sayo ang lahat ng oras para mahanap mo akong muli dyan sa puso mo.

Hihintayin kita…

Hanggang magkaroon muli ng liwanag ang ating umaga.

Hanggang magkaroon muli ng ningning ang mga bituin sa ating gabi.

At magpakitang muli ang bahaghari pagkatapos ng ulan.

Hihintayin kita…

Hanggang kaya mo nang ibalik ang ating pagmamahalan.

Hanggang kaya mo nang mgtiwala muli.

Hanggang kaya mo na akong mahalin muli ng lubos.

Hihintayin kita…

Dito.

Sa lugar kung saan natin sinimulan lahat.

Dito.

Sa lugar kung saan mo pwedeng tapusin ang ating sinimulan.

Andito lang ako.

Tandaan mo.

Maghihintay ako sayo. ###

Bakit ikaw

Hindi sya.

Ikaw?

Bakit ikaw…

Ang may hawak ng aking kamay habang naglalakad sa daan.

Ang unang bumabati sa akin ng “magandang umaga” habang pasikat ang araw.

Ang mahigpit na yumayakap sa akin sa panahong ako’y nalulumbay.

Ang tagapag-alala na ako’y kailangang kumain na.

Ang taong pumapawi ng aking pagod pagsapit ng gabi.

Ang patuloy na gumagawa ng paraan upang ako’y mapasaya.

Bakit hindi sya?

Na pilit na numanakaw ng ating sandali sa aking panaginip.

Na panandaliang nagsabing kailangan nya ako kumpara sayo.

Na patuloy na umiibig ng patago kahit alam nyang imposible.

Na umaasang sa huli mayroong pag-asa kahit ang katotohana’y wala na talaga.

Bakit ikaw?

Pero buti na lang ikaw…

Dahil ikaw ang pumuno ng aking pagkatao.

Ang patuloy na nagbibigay ngiti sa aking mga labi,

Na hindi napapagod na ako’y mahalin sa bawat segundong lumipas.

Na tunay na nagbibigay kulay sa itim at puti kong buhay.

Ang aking pag-ibig na tunay.

Hindi katulad nya na sa diwa ko lamang lumalaban.

OO, hindi ka nya katulad.

Dahil ikaw lang naman ang araw sa aking bawat umaga. At ang buwan at bituin sa aking bawat gabi.

Dahil ikaw at wala ng iba.

Buti na lang ikaw.

Dahil sayo naniwala ako na posibleng umibig ng panghabang buhay. ###

Haunted

Dinalaw mo na naman ako kagabi.

Hindi ko mawari kung bakit paulit-ulit kang nagpapakita sa akin. Dati wala kang mukha, dati magulo ang mga pangyayari.

Ngayon, kilala na kita.

Ngayon, malinaw na malinaw na bawat eksena. Mga mumunting pagsasama natin na pawang puros kasiyahan.

Kagabi masaya tayo. Sabay tayong naglalaba. Nagtatawanan habang hinihiwalay ang de-kolor sa puti.

Doon ko napatunayan na hindi lang pala puro puti at itim ang kulay ng pag-ibig. Dahil kagabi, pinakita mo sa akin kung paano magkaroon ng ibang kulay ang aking mga mata.

Kagabi habang tinatanggal ko ang mumunting dumi sa pisngi mo, naririnig ko silang natutuwa.

At habang unti-unti kong nalilinis ang iyong mukha, doon ko nakita ang ningning ng iyong mga mata.

Matang nagsasaad ng kasiyahan.

Kasiyahang sa panaginip ko na lamang palaging matutunghayan.

Oo, sa panaginip ko masaya tayo.

Oo, sa panaginip ko magksama tayo.

E sa panaginip mo, andoon din kaya ako? ###

Para sa dalawang kuya sa loob ng dyip

Napangiti nyo ako.

Ang sarap umiibig no?

Yung pakiramdam na kayo lang dalawa ang tao sa mundo. Yung wala kayong pakialam sa mga tao sa paligid nyo kasi nakatutok kayo sa isa’t-isa. At walang kahit sino man ang makapipigil sa bugso ng inyong damdamin.

Ang saya sa puso no?

Dahil kahit sobrang init sa loob ng dyip, ang mga patagong haplos at akbay ang mas lalong nagpapainit sa alab ng iyong lihim na pagtitinginan. At walang kahit anong pawis o lagkit ang makapipigil sa emosyong pilit na kumakawala sa inyong dibdib.

Ipagpatuloy nyo yan.

Walang kahit sino man ang maaaring kumuwestiyon sa inyong nadarama. At walang kahit sino man ang dapat magsabi na mali ang iyong pag-ibig.

Dahil kahit kailan, hindi kasalanan ang umiibig.

Marami lamang talagang mapanghusgang tao. Mga matang humahanap lamang ng mali sa ibang kapwa. Pero huwag kayong susuko. Hindi ngayon, hindi bukas. Magpatuloy lamang kayo.

Dahil sobrang napangiti nyo ako.

At sana huwag kayong mapagod magmahalan.

Kahit may mga bagay na sadyang hindi nagtatagal.

Pero sana…

Sana…

Hindi kayo dun mapabilang. ###

Parallel Universe

Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana para sa isa’t-isa.

Ganyan tayo.

Parehong nangahas sumubok. Parehong inisip na may tamang panahon. Parehong naghintay ng tamang pagkakataon. Ngunit sa huli, hindi pa rin pinagtugma.

Magkaiba talaga siguro tayo ng patutunguhan. Na kahit ilang beses nating pagtulungang pahabain ang panahon na tayo’y magkasama, hindi pa rin tayo sa huli.

Ang direksyon mo’y pakaliwa, ako nama’y pakanan.

Parehong direksyon ang tatahakin natin ngunit magkaiba ang gawi. May mauuna, may maiiwan.

Siguro hanggang dito na lang talaga tayo. Mananatiling alaala sa bawat isa.

Magandang alaalang masarap balikan.

Kahit mahirap, kahit masakit. Hindi talaga tayo itinadhana.

Pero siguro mayroong parallel universe.

At siguro sa mundong iyon, magkakasama na tayo.

U-Turn Slot

Masikip. Dahan-dahan. Masukal ang daan. Ganyan ang ginawa kong pagliko. Parang U-Turn slot. Maingat na umikot pakaliwa. Ibang direksyon. Direksyong malayung-malayo sayo. Ma-trapik man ako pipilitin kong lumiko. Dahil alam ko, hindi ikaw ang destinasyon ko.
###

Sipnaya

Biyernes. Ito ang araw na magkikita sila. Lunes nang tumawag siya upang sabihin na gusto niyang mahiram ang librong kalalabas pa lamang sa isang bookstore.

Sa mga lalaking kanyang naging kaibigan, matuturing niya itong pinakamalapit sa kanya. Magaling sa numero, samantalang siya’y magaling sa mga salita.

Sa isang fastfood chain ang nakagawian nilang tagpuan.

“Nagkikita na lang talaga tayo kapag may bagong libro si Mrs. S,” ani niya.

“Oo, libro lang naman ang nag-uugnay sa atin, e. Bakit meron pa bang iba?” tugon nito.

Napatigil siya at napaisip. Ano pa nga ba?

“O, di ba, wala na. Libro lang talaga,” pagpigil nito.

Doon nya nabatid na minsan, hindi sapat ang mga numero at salita para makagawa ng isang mahusay na pormula.
###